Kilalanin ang mga Tumatakbong Mayors sa Olongapo City

Photo of author
Written By admin

Giving you your daily dose of fresh articles.

Malapit na ang eleksyon at dumadami na ang mga kaparaanan ng mga kandidato upang mangampanya. Paulit ulit siguro natin ito maririnig, pero napakaimportante na mag vote wisely. Dito sa lungsod ng Olongapo, apat na kandidato ang tumatakbo para sa posisyon na mayor. Kilalanin natin sila upang makapag desisyon ng tama para sa darating na halalan.

Bakit si Lenj Paulino

Si Rolen Paulino Jr., o mas kilala bilang Lenj Paulino, ay ang kasalukuyang namumuno na mayor sa lungsod ng Olongapo. Bagamat baguhan ang tingin sa kanya, si Lenj ay di nag kulang sa kakayahan niya dahil sa impluwensya ng kanyang ama. Si Lenj ay nagtapos bilang isang abogado mula sa San Beda College noong 2015 at ang kurso na natapos nya para sa undergraduate course ay AB Interdisciplinary Studies. Nag trabaho sya bilang isang partner sa Tan Acut Lopez & Pison Law Offices noong 2016-2018. Mula sa private practice niya bilang isang abogado sa siyudad ng Maynila, si Lenj ay bumalik ng Olongapo kung saan siya ay nahalal bilang bagong mayor noong Mayo 13, 2019. Para kay Lenj, ang kanyang pagiging baguhan at ang murang edad niya ay hindi naging hadlang, ngunit eto ay nag silbi bilang “blank canvass” sa kanya para maging mapagpakumbaba sya at bukas para matuto. Ang puso ni Lenj para sa mga tao at sa Olongapo ay nagmumula sa pusong matulungin. Katulad ng turo sa kanya ng kanyang ama, nakaugalian na nilang tumulong at mag silbi sa kapwa.

Sa pamumuno ni Lenj, napabuti ang health system, nagkaroon ng molecular lab, testing facitility kung saan abot kaya ang pagpapatest para sa COVID19, at napaganda din ang quarantine facility. Pati ang rollout ng vaccination laban COVID19 ay naisaayos at ang Olongapo ay naging isa sa mga naunang siyudad na nagkaroon ng vaccinations sa loob ng mall upon maging mas komportable ang mga mamamayan. Si Lenj ay sumusuporta din sa mga iba’t ibang grupo katulad ng mga atleta, indigenous, at LGBT groups. Isa sa mga industriyang itinulak ni Lenj paunlarin ay ang agrikultura at pangisdaan para masulit ang mga dagat at bundok ng Olongapo. Sa kabuuan, si Lenj ay masasabing tapat at wasto na lider, inuuna ang kapakanan ng kanyang tao, at ito ay kailangan niya lang ipagpatuloy kung bibigyan siya muli ng pagkakataon maging mayor ng Olongapo City.

Bakit si Arnold Vegafria

Si Arnold Vegafria ay masasabing kakaiba kumpara sa mga ibang kandidato dahil sa background niya. Siya ay isang businessman, doctor of dental medicine, at parte ng showbiz bilang talent manager at film producer. Sa kabila ng kanyang hindi pampulitika na background, nasabi si Arnold na ang ang pagtakbo niya bilang mayor sa lungsod ng Olongapo ay “destiny” niya. Alam niya na siya ay hindi sikat sa nasabing lungsod, ngunit naniniwala siya na may kakayanan siya para isaayos ang Olongapo, lalo na pag dating sa ekonomiya nito. Nasa vision ni Arnold na muling pasiglahin ang industriya ng turismo ng lungsod at itayo ang mga economic at industrial zone nito. Malakas ang loob niya na mayroon siyang sapat na karanasan, pamumuno at pamamahala upang pangasiwaan ang Olongapo, at ito ang gusto niyang itulong dito. Plano din ni Arnold na pagandahin lalo ang mga dalampasigan at ibalik ang musika, ang kulturang pangunahing pinagmumulan ng negosyo dito. Ito ay isa sa mga programang balak niyang gawin sa Olongapo upang mapabuti at iangat ang ekonomiya nito.

Ayon kay Arnold, ang kanyang karanasan at koneksyon sa industriya ng marketing at advertising ay magiging kapaki-pakinabang sa pagtataguyod ng lungsod bilang destinasyon ng mga turista. At masisigurado din niya na dadami ang mamumuhunan sa Olongapo, at dahil dito, makaka-asa ang mga Olongapeños na magkakaroon ng mas madaming oportunidad sa trabaho. Hindi man siya kasing sikat o kilala dito sa lungsod katulad ng ibang kandidato, nakikita na maliwanag ang pwedeng maging kinabukasan ng Olongapo kapag si Arnold ang mapipiling bagong mayor nitong halalan.

Bakit si Kap Echie

Si Priscilla Ponge o Kap Echie kung tawagin ng karamihan ay ang barangay captain ng Gordon Heights. Nakuha ni Kap Echie ang atensyon ng publiko dahil sa mga awards o parangal na iginawad sa kanya sa nakalipas na ilang taon. Sunod-sunod ang mga local at national awards na natanggap ng nasabing barangay. Kabilang na dito ay ang pagiging pangalawa sa buong Pilipinas pagdating sa Children Protection Program at BCPC Congress National Awardee (2nd place) din ito para sa Tatak Barangay Practice. Sa tatlong magkakasunod na taon, 2018-2020, ang Gordon Heights din ay kinilalang may Best Newborn Screening Facility sa Region 3 at ito ay iginawad ng Newborn Screening Center ng Central Luzon. Madami pang mga parangal ang natanggap ng barangay at ni Kap Echie katulad ng Barangay Peace and Order Committee (Moderate Level), Barangay Anti-Drug Abuse Council (Ideal at Moderate Levels), Most Child Friendly Barangay (Ideal Level), at iba pa. Noong pagsimula din ng pandemya, hindi din nagkulang ang pag bibigay ng mga ayuda sa nasabing barangay. Nagkaroon ng mahigit limang waves ng ayuda upang makatulong sa mga mamamayan ng Gordon Heights.

Napatunayan na ni Kap Echie ang serbisyong tapat at tunay bilang barangay captain ng Gordon Heights at tiyak na mapapatunayan din niya ito kung siya ay mahalal bilang mayor ng Olongapo City.

Bakit si Anne Gordon

Si Anne Marie Gordon ay unang sumikat bilang First Lady noong panahon na si yumaong James “Bong” Gordon Jr. ang namamahala na mayor sa lungsod ng Olongapo. Ngunit mayroon din si Anne Marie naitatag na sariling reputasyon. Siya ay pinalaki ng mga magulang nyang parehong nagtrabago sa gobyerno at dahil dito, nag simula si Anne Marie magkaroon ng puso na marunong maglingkod sa publiko. Ipinagpatuloy niya ang legacy ng kanyang magulang sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao na nasa kahirapan. Ang pag ahon mula sa kahirapan ay isa sa mga adbokasiya ni Anne Marie dahil alam niya din kung paano mamuhay sa kahirapn noong kabataan niya. At isa na nga sa kanyang paraan upang makatulong dito ay ang magbigay ng kabuhayan o livelihood programs sa mga tao. Matatandaan din na isa sa mga priority ni Anne Marie noong siya ay unang tumakbo bilang mayor ay ang pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo sa James L. Gordon Memorial Hospital. Ang programang healthcare ay isa sa mga priorities niya.

Bukod sa mga pwedeng maasahan kay Anne Marie, mayroon din siyang mga karanasan sa politika. Siya ay naging Vice Governor ng Zambales noong 2007-2010. At sa taong 2012 hanggang 2013, si Anne Gordon ay isa sa mga pinili ng dating pangulong Benigno Aquino III na umupo bilang isa sa mga miyembro ng Board of Directors sa Subic Bay Metropolitan Authority o SBMA. Pinahalagahan niya ang papel nya bilang isang representative ng Olongapo sa SBMA Board. Naging imbestigador din siya sa US Embassy Manila, kung saan napatunayan niya na siya ay mapapagkatiwalaan at may integridad. Ang mga karanasan niya ay siguradong lamang niya at magagamit kung siya ay mahahalal bilang bagong mayor ng Olongapo.

Ang apat na kandidatong tumatakbo sa pagka-mayor para sa lungsod ng Olongapo ay may kanya-kanyang lakas at karanasan na pwede nilang gamitin upang mapabuti ang nasabing lungsod at matulungan ang mga Olongapeño. Ngayon na mas kilala na natin ang mga kandidatong ito, nawa maging wais at responsableng botante tayo sa darating na eleksyon.

Leave a Comment