Hirap sa pag-ihi, masakit na tagiliran at puson, at nakakaranas ng chills – ilan lamang ang mga ito sa nararanasan ng mga taong may urinary tract infection o UTI. Ito ay isa sa mga karaniwang impeksyon na nararanasan ng mga Pilipino sa kidney o bato, ureter / urethra o daluyan ng ihi, at bladder o pantog. Mayroong tatlong ang impeksyon na ito: (1) ang cystisis o impeksyon sa bladder, (2) urethritis o impeksyon naman sa urethra, at (3) pyelonephritis o impeksyon sa kidney. Mas malaki ang tsansa na magkaroon ng UTI ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Ang impeksyon ay maaaring magpabalik balik dahil sa iba’t ibang sanhi.
Ipinasasawalang bahala lang ng ilan ang UTI dahil madali naman itong malunasan sa pamamagitan ng water therapy at antibiotics subalit may ilang pagkakataon kung saan ito ay sinyales ng mga mas seryoso at delikadong komplikasyon gaya ng sakit sa bato, paghina ng immune system, at diabetes. Bagaman itinuturing ang UTI bilang impeksyon na madali lamang gamutin, nakakapagdulot pa rin ito ng hindi komportableng pakiramdam sa may tiyan, puson, tagilirin, at likuran maging ang mahapding pakiramdam sa pag-ihi. Narito ang mga sanhi, sintomas, paraan kung paano ito maiiwasan, at mga gamot at home remedies.
Mga Sanhi ng Urinary Tract Infection (UTI)
Dati nang paniniwala ng mga Pilipino na ang urinary tract infection ay sanhi ng pagkain ng mga maaalat at labis na pag-inom ng soft drinks ngunit ang talagang sanhi nito ay ang bacteria na tinatawag na Escherichia coli (E.coli). Paano nga ba ito pumapasok sa urinary system ng tao?
- Maling paraan ng pagpunas matapos umihi. Ang bacteria na ito na nagmumula sa large intestines ay karaniwang lumalabas sa anus kung kaya naman kapag umihi at nagpunas ay maaaring pumasok ito sa iba’t ibang bahagi ng urinary system kung kaya’t nakakaranas ng sakit sa pag-ihi ang mayroon nito. Mas karaniwan ang sakit na ito sa mga kababaihan sapagkat mas maikli ang kanilang urethra dahilan upang mas madaling pumasok ang bacteria sa pantog.
- Pakikipagtalik. Napakataas ng tsansa na magkaroon ng UTI kung sexually active ang isang tao dahil mas mabilis makalusot ang bacteria sa urinary system. Kaya naman, mahalagang umihi at maghugas matapos makipagtalik upang maiwasan ang impeksyon.
- Mahinang resistensya. Isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng madalas na pagkakaroon ng UTI ay kapag mahina ang resistensya o may ibang problema sa immune system. Maaaring sinyales ito na humihina ang resistensya ng isang tao dahil nahihirapan itong labanan ang impeksyon sa loob ng katawan ng tao.
- Birth control. Malaki rin ang tsansa na magkaroon ng UTI ang isang babae kung gumagamit ito ng diaphragm bilang birth control kumpara sa ibang paraan upang hindi magbuntis. Dagdag pa rito ang paggamit ng condom na may spermicidal foam na nagiging dahilan din ng pagkakaroon ng UTI.
Mga Sintomas ng UTI
Hindi lahat ng taong mayroong urinary tract infection ay nakararanas ng sintomas lalo na kung hindi naman malala ang impeksyon. Subalit, marami pa rin ang nakararanas ng mga sintomas bukod sa hirap sa pag-ihi.
- Pagkapagod at pagkaranas ng chills. Karaniwang nakakaranas ng pagkaginaw o panginginig ang mga taong mayroong UTI kahit na hindi malamig ang panahon. Ang chills ay nararanasan sa partikular na oras sa isang araw, halimbawa ay sa hapon o gabi lamang nararanasan ito.
- Lagnat. Ang pagkakaroon ng lagnat ay karaniwan lamang sa mga taong mayroong impeksyon sa katawan gaya ng UTI. Sinyales din ito na naaactivate ang ating immune system kapag mayroong bacteria o virus sa loob ng ating katawan.
- Pagsakit ng likuran, balakang, tagiliran o puson. Dahil naiirita ang lining ng urethra ng mga taong may UTI, namumula o namamaga ito na nagdudulot ng pagsakit ng likuran, balakang, tagiliran o puson.
- Masakit na pag-ihi. Nakakaranas din ng burning sensation sa pag-ihi dahil sa iritasyon sa daluyan ng ihi. Dagdag pa rito ang maya’t mayang pakiramdam na naiihi subalit kaunti lamang ang nailalabas. Ang iritasyon ay maaari rin magdulot ng pagkakaroon ng dugo sa pag-ihi.
- Cloudy at kakaibang amoy ng ihi. Malalaman na may UTI kung malabo ang ihi o halos kulay dugo, mayroong nana o mayroong kakaibang amoy. Ang ganitong sintomas ay senyales ng seryosong komplikasyon kaya dapat itong agapan.
- Pagkahilo at pagsusuka. Kapag masyadong mataas ang impeksyon sa ihi, karaniwang nakakaranas ng pagkahilo at pagsusuka na nagdudulot din ng dehydration. Ang hindi malaman na sanhi ng pagsusuka ay maaaring dahil sa mataas na bacteria count sa urinary tract ng isang tao.
Mga Paraan Upang Maiwasan ang UTI
May ilang paraan upang maiwasan ang UTI o mapigilan ang paglala nito. Hindi ganoon kakomplikado ang pag-iwas dito dahil pag-iingat at tamang pamamaraan lang ng paglilinis ang kinakailangan. Samahan na rin ng magandang lifestyle upang hindi magkaroon ng komplikasyon.
- Uminom ng maramig tubig araw araw. Nakakatulong ang pag-inom ng tubig araw araw upang ma-flush out ang mga bacteria sa loob ng urinary system kapag umiihi. Naiiwasan din nito ang pananatili ng bacteria sa pantog at sa daluyan ng ihi.
- Umihi bago at pagkatapos makipagtalik. Mahalagang umihi muna at naglinis muna bago at matapos makipagtalik upang maiwasan ang pagkakaroon ng impeksyon. Nakakatulong ito upang mailabas ang bacteria matapos ang intercourse.
- Mag-clean up pagkatapos umihi. Matapos umihi, magpunas mula harap papunta sa likod upang maiwasan ang pagkalat ng bacteria sa urinary tract. Gaya ng nabanggit kanina, ang bacteria mula sa large intestines ay lumilipat din sa anus kung kaya’t ang direksyon ng pagpunas ay dapat na sa harap muna bago sa likod.
- Palagiang palitan ang napkin o tampon kapag mayroong menstruation. Para sa mga kababaihan, huwag patagalin ang suot na napkin o tampon maging ang pantyliner dahil naiipon dito ang bacteria.
- Isama sa diet ang mga pagkaing mayaman sa antioxidant at fiber. Nakakatulong din ang mga pagkain at inuming mataas sa antioxidant gaya ng ubas, kamatis, kalabasa, at blueberries upang maiwasan ang UTI. Mataas din sa fiber ang wheat, cereals, at beans.
Mga Gamot at Home Remedies Laban sa UTI
Iba’t iba ang pamamaraan upang malabanan ang urinary tract infection. Mayroong umiinom ng gamot gaya ng antibiotics samantalang ang iba ay mas pinipili ang natural way o home remedies sapagkat ito ay madali lamang gamutin. Narito ang iba’t ibang pamamaraan upang malabanan ang UTI.
- Pag-inom ng antibiotics. Ang mga taong mataas ang impeksyon ay nireresetahan ng antibiotics tulad ng nitrofurantoin, sulfonamides, amoxicillin, cephalosporins, doxycycline, at ciprofloxacin. Karaniwang isa hanggang dalawang linggo ang gamutan nito.
- Pag-inom ng purong cranberry juice. Mabisa rin ang pag-inom ng unsweetened cranberry juice upang maiwasan ang pagdikit ng bacteria sa urinary tract. Nalalabanan din nito ang risk ng pagkakaroon ng UTI. Maaari rin uminom ng cranberry capsule bilang substitute sa juice.
- Water therapy. Isa sa pinakamabisang paraan ang water therapy kung saan may target na dami ng tubig ang dapat na inumin sa loob ng isang araw. Malaki ang naitutulong nito upang maya’t maya ang pag-flush out ng bacteria mula sa urinary tract ng taong mayroong UTI.
- Mag-take ng Vitamin C. Ayon sa ilang pag-aaral, napatunayan na mabilis makapagpababa ng risk ng UTI ang pag-inom ng Vitamin C o pagkain ng mga prutas na mayaman sa bitaminang ito.
- Isama ang probiotics sa iyong diet. Uminom ng probiotic drinks o kumain ng mga pagkaing mayaman dito tulad ng yogurt, kimchi, at iba pang fermented foods.
- Iwasan ang bladder irritants sa iyong diet. Iwasan ang mga pagkaing malakas makairita sa iyong pantog tulad ng inuming may caffeine, alcohol, maanghang na pagkain, carbonated drinks, at mga pagkaing may artificial sweetener.
- Huwag pigilan ang pag-ihi. Kung kinakailangang umihi o nararamdaman ito, ilabas kaagad kahit kakaunti lamang ang mailalabas na ihi. Sa pamamaraang ito, mas napapabilis ang pagtanggal ng bacteria sa loob ng urinary tract.
- Gumamit ng cotton na underwear. Upang masiguro na laging malinis at tuyo ang urethra, gumamit ng cotton na underwear. Maiiwasan din nito na ma-trap ang moisture at magkaroon ng airflow upang hindi makapasok basta basta ang bacteria sa urinary tract.
***
May mga pagkakataon na kahit anong ingat natin, nagkakaroon pa rin tayo ng urinary tract infection subalit ang impeksyon na ito ay madali lamang gamutin kung agaran itong reremedyuhan o gagamutin. Dapat pa rin itong pagtuunan ng pansin dahil maaaring sinyales ito ng mas komplikadong sakit gaya ng impeksyon sa bato at paghina ng immune system. Kung nakakaranas na ng hindi komportableng pakiramdam at mga sintomas, mahalagang magpakonsulta na sa doktor upang maagapan.
Laging tatandaan na tapusin ang paggagamot at siguraduhing nagamot na ito nang tuluyan upang maiwasan ang pagbalik ng impeksyon at upang hindi danasin ang mas mahirap na gamutan. Bagaman madali lamang itong gamutin at karaniwang nasa loob lang ng bahay ang mga pagkain o inuming makakapuksa sa impeksyon na ito, nararapat pa rin na pag-ibayuhin ang pag-iingat. May mga kaso ng komplikadong UTI at lahat tayo, anumang edad at kasarian, ay maaaring magkaroon nito kaya ugaliing magkaroon ng good hygiene at kumain ng masusustansyang pagkain.